Sunday, September 30, 2007

Kanya-kanyang Buhay-lakbay

Naglakbay kami nang sabay-sabay
Sabay-sabay na nag-iisa
Nag-iisang magkakasama
Magkakasamang ngayo’y iisa na

Bakit tila iniwan na’ng mundo
Mundong dati’y kami
Kaming ngayo’y ako
Ako na lang

Naisip ko’y baka nga ganito
Ganito ang buhay ng tao
Taong nilalakbay ang buhay
Buhay mag-isa sa karamihan

Bumalik ako sa simula
Simula ng paglalakbay nang magkakasama
Magkakasama’y hindi na
Hindi na natagpo pa

Ang buhay-paglalakbay ay kanya-kanya
Kanya-kanyang buhay-lakbay
Buhay-lakbay na akin at kanya
Kanya na naman

Iisa lang naman ang tungo
Tungong hangganan ng lahat
Lahat na iisa
Iisang katotohanan

Pagal ma'y di hihinto
Di hihinto sa pagtungo
Pagtungo sa hinahanap
Hinahanap na iisa

Sa iisa nga’y magkikita
Magkikita sa tungong lahat at isa
Isa na uugnay muli sa paglalakbay
Paglalakbay ng lahat at isa

No comments: