Friday, April 27, 2007

Buhay-kandila

Ang mitsa ay ang pagsilang
Pagkamulat sa mundong patunaw
Umaagos ang init at pusok
Sa dulo'y hupang nagbabanta
Sa ilaw ay buhay
Sa simoy ay kamatayan
Sinasaklaw ang pangkalahatan
Nauupos sa pagkadakila
Sa liwanag ay dilim
Taglay ng sindi'y banta
Payak na't di lalaon
Nakadapang tila pasuko
Patunaw at pakalat
Pinapatay ang sarili ng kusa
Masdan ang buhay-kandila
Ikaw

Thursday, April 19, 2007

Buksan

Pinhid ng pintuan, mistulang dingding,
Walang sinuma ang maaring tanggapin.
Anong pumipigil? Anong nagbabawal?
Sa sariling mundo'y ba't di ka lumaya?

Buksan ang 'yong mga mata kahit may luha.
Mamahalin parin kita. Tutulungang Lumaya

Ang basong may tubig lagyan mong muli.
Aapaw dahil wala nang silid.
Ang pusong may galit, di maaring umibig.
Bulag sa wasto, alipin ng isip.

Buksan ang 'yong mga mata kahit may luha.
Mamahalin parin kita. Tutulungang Lumaya.

... siguro kung kaya kong bumalik, pipiliin ko paring pumasok sa seminaryo. Doon kung saan nabuksan ang pintuang mistulang pader sa kapal at bigat. Doon kung saan pinapalaya't hinihiom ang puso. Doon na ang baso ng pag-ibig ay ang puso; bottomless! Siguro nga'y nakapiring ang mga mata ko noon, walang buhay na maaninaw. Ngunit di nangahulugang, di ko kayang piliing nakapiring at pikit-matang itaya ang pangarap at buhay ko sa pagkasalesyanong seminarista. Sinong mag-aalis ng piring? Hindi ko alam. Tanging batid ko'y nakagapos din pala ang aking mga kamay. Nakayapos sa Iyo Panginoon.